Tuesday, March 10, 2009

king and queen of hearts

"ang guapo niya!!!"

yan ang tili ko tuwing nakikita kita dati. ikaw na kasi kumbaga ang epitome ng guapo. tall, dark and handsome. ikaw na ikaw yan. at makapal pa ang kilay mo tila danny d (guest ng grey's anatomy) pero hindi mo lang doon nakuha ang loob ko. isa sa pamatay mong katangian ay yung pagiging tahimik mong tao. misteryoso kumbaga. you thrive in deep waters. kaso noon, gusto man kitang sisirin natakot ako na baka malunod ako at walang sumagip.

kapag ang mga orgmates nating lalaki eh nghaharutan, ikaw tahimik lang na ngmamasid. ngingiti paminsan minsan. hihirit paminsan minsan. hanggang ganun ka lang. well, yun ang pagkakilala ko sayo kasi ganun ka parati tuwing andun ako. tahimik. ngmamasid lang. titingin. ngingiti ng konti.

andaming beses mo na nga akong tinignan. minsan nahuhuli kita na tumitingin pero yuyuko ka o titingin sa iba. hindi mo ever hinawakan din ng tingin ang tingin ko. so hindi ko alam kung may gusto ka din o ngfeefeeling lang ako. kung dati naging uso na ang mga babaeng nanliligaw ng lalaki, baka niligawan na kita. kung hindi ka lang mas bata sa akin ng isang taon baka niligawan na kita. kung hindi lang ako ngpapaniwala na dapat ang babae mas bata sa lalaki, niligawan na siguro kita. kung bakit kasi di mo ginawang ligawan na lang ako. sasagutin naman kita agad eh.


isang beses, may event ang dorm namin. inimbita kita at ang iba pa nating orgmates. pumunta naman kayo. at dahil alam ng room mates ko na crush nga kita, parati nila tayong iniiwan dalawa para magusap. valentines ata noon kasi puro love songs ang tugtog ng dj eh. tapos nabigla ako. andaming paroparo sa tiyan ko. para akong umikot sa track oval ng limang beses sa kabog ng dibdib ko. gusto kong himatayin, sa takot, sa kaba, sa tuwa. gusto kong lumundag sa sobrang saya. kasi ba naman inaya mo akong sumayaw. alala ko pa nga ang tugtog...two become one ng spice girls. sobrang nasa cloud nine ako nun. diko mawari ang nararamdaman ko. nanlamig ang mga kamay ko. alam mo malamang yun kasi hinawakan mo kamay ko habang papunta sa dance floor. tapos sabay hawak ka sa beywang ko...haaay...sabi nga pede na akong mamatay nun. ang malupit jan, hindi ka nakontento sa isang sayaw. nang matapos ang kanta ng spice girls at bumitaw na ako sayo kasi pabalik na ako sa upuan, pinigilan mo ako sabay sabing "isa pa". paksyet! music to my ears! shempre, sino ba naman ako para humindi diba? so ayun, sinayaw natin ang king and queen of hearts. feeling ko tuloy nun, ikaw ang hari, ako ang reyna. grabe! that was one of those moments na ang kilig di ko malilimutan. at habang sumasayaw tayo, uncomfortable ako. pano, nakatitig ka lang. as in nakatitig ka lang talaga sa akin. ang sarap ng feeling na diko mawari. ayoko na ngang matapos ang gabi kaso imposible naman yun. nang matapos ang gabi, nung ngpaalam ka hindi mo ako hinalikan. nanlumo ako. na-sad ng sobra. akala ko score nako. di pa rin pala.

ayun, pagdating ko sa kwarto imbes na masaya pa rin, muntik ako matabunan ng self-doubt. na kesyo kaya mo lang ako sinayaw dahil alam mong crush kita. pano ba naman kasi alam yata ng lahat ka org natin na sobrang crush kita. so malamang alam mo din. so feeling ko pinagbigyan mo lang ako. pity dance kumbaga yung ginawa natin.

pero yung mga hakahakang yun di naging sapat para mawala ang pagtingin ko sayo. tuwing pumupunta ako sa tambayan, ikaw pa rin agad ang hanap ng aking mga mata. nililingon agad ang inyong kwarto. nagbabakasakaling may proyekto ka na ginagawa at pwede kitang tulungan. maraming pagkakataon noon na pwede kitang kausapin ng matagal kaso hindi ko lubos maisip kung bakit tuwing nagsisimula na akong makipagkwentuhan sayo, nauutal na ako. nawawala na ang train of thought ko. tuloy, feeling ko ngmukha talaga akong tanga sa paningin mo hindi lang isang beses.

pero sobrang bait mo din eh. ni minsan hindi mo ginamit ang tingin kong awareness mo sa paghanga ko sayo. hindi ka ngtake advantage. minsan tuloy dinadasal ko na di ka mashadong gentleman. hahaha...pero ayun, yung isa sa close friends mo, naging close friend ko din. sabi niya, sobrang torpe ka lang daw talaga. na may pagtingin ka din daw sa akin. na dapat ako na ang gumawa ng paraan. tingin ko tama sha. kasi tuwing may kukuha ng pictures malapit ka sa akin parati. o di kaya, ilalapit mo yung mukha mo sa mukha ko. pero hangang dun ka lang. hangang dun lang tayo. kung siguro sinunod ko yung kaibigan mo, baka sakaling ngkaron ng pangalawang yugto ang "king and queen of hearts", yun ay kung maicoconsiderang unang yugto yung mga tantyahan natin (or more specifically, tantyahan sa parte ko)

matapos ang isang taon, ngresign ako sa org kasi nagkaroon na akong madaming commitments na iba. mas lumawak na ang mundo ko. mas madami na akong nakilala. at napagtanto ko, kung may gusto ka nga sa akin at torpe ka lang talaga, wala din mangyayari sa atin kasi di talaga ako gagawa ng unang hakbang. torpe din kasi ako.

hanggang nabalitaan ko nalang after dalawang taon na finally may syota ka na, at ang syota mo ang nanligaw sayo. yun na ang naging huling balita ko sayo. nghiwalay na ang ating landas. ngtapos ako, ngtapos k na din. pero 3 yrs ago, ngkita tayo, sa AS steps. galing ka din sa panonood ng dula na pinanood ko. ayun, guapo ka pa din. pero may kasintahan na ako. meron ka din. pinakilala mo pa nga sa akin eh. mukha namang mabait. nung malayo na ako, lumingon ako, nakita kitang nakatingin.

ingat ka na lang parati. sana maging masaya ka sa buhay mo. at salamat sa presensya mo sa maikling parte ng buhay ko dahil yung gabing yun at yung iba pang mga pagkakataon na ngkasama at ngkausap tayo sa tambayan ay kasama sa mga kilig moments ng buhay ko na hinding hindi ko makakalimutan.

No comments: